|
Food
insecurity ang tawag sa kakulangan sa pagkain o kawalan ng
kakayahan na bumili ng makakain. Ang mga sambahayan na nakakaranas
ng ganito ay masasabing food insecure. Ayon sa datos ng Food
and Nutrition Research Institute ng Department of Science
and Technology (FNRI-DOST), 8 sa bawat 10 sambahayang Pilipino
noong 2001 ang nakaranas ng kawalan ng kakayahang bumili ng
makakain (maging food insecure). Isang adaptasyon ng Radimer/Cornell
measure ang ginamit na sukatan ng food insecurity sa mga sambahayan
sa loob ng 6 na buwan.
Ayon din sa surbey, mahigit
80% sa mga sambahayan ang nagsasabing kabilang ang kanilang
mga maliliit na anak na nagdaranas ng kakulangan sa pagkain
dahil sa walang sapat na perang pambili nito. Ang mga ito
ay nangangamba na kulang sa sustansya ang mga pagkaing kaya
lang nilang ibigay sa kanilang mga anak. Mahigit sa 85% sa
mga sambahayang sumali sa surbey ang hindi nakayanang tustusan
ng sapat ang kanilang pagkain at ang lalong masama, wala na
silang perang pambili kapag naubos na ang pagkain.
Napag-alaman din sa pag-aaral
na 33.5% ng mga anak ng mga sambahayang nakaranas ng food
insecurity ay kulang sa timbang samantalang 38.5% naman ay
kulang sa taas o maliit ayon sa kanilang gulang.
Ang food insecurity noong
2001 ay mataas sa lahat ng rehiyon. Mahigit 90% ng mga sambahayan
sa Bicol, Eastern Visayas at Western Visayas ay nakaranas
ng kakulangan ng pagkain. Ang rehiyong may pinakamababang
porsyento ng food insecurity noong taong iyon ay ang Northern
Mindanao, na may 72.5% na sambahayan na food insecure. Kung
tutuusin, mataas pa rin ang problema ng food insecurity sa
lahat ng rehiyon ng bansa.
Maraming bagay ang nagdudulot
ng kakulangan sa pagkain. Para sa karamihan, malaki ang epekto
ng mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain. Mahiwatigan sana
ng mga tagapag-buo ng programa ukol sa pagsulong ng bansa
na magtakda ng mga pagkakakitaan o mga pagkakataong makapagdaragdag
sa kinikita ng mamamayan. Gayun din, makagawa sana ng mga
paraan upang maibaba o mabawasan ang presyo ng pagkain.
Marami nang nangyari
sa ekonomiya ng bansa mula noong 2001. Sa taong ito, muling
isasagawa ng FNRI-DOST ang 6th National Nutrition Survey.
Isa sa aalamin ng surbey ay ang kaugnayan ng sambahayang Pilipino
ukol sa food security na maaaring na-impluwensiyahan ng mga
pagbabago ng ekonomiya ng bansa.
Para sa karagdagang impormasyon
sa resulta ng surbey, maaaring sumulat o tumawag sa: The Director,
Food and Nutrition Research Institute-Department of Science
and Technology, Gen. Santos Avenue, Bicutan, Taguig, Metro
Manila, Tel/Fax Nos.: 8372934, 8373164; E-mail: cvcb@fnri.dost.gov.ph;
o bisitahin ang FNRI-DOST website: http//www.fnri@dost.gov.ph.
S&T Media Service
FNRI-DOST Media Release for 2003
|