|
Maraming
bata ang nasa kalye. Ayon sa isang ulat, may naitalang 250,000
na batang kalye sa Pilipinas bago pumasok ang taong 2000.
Araw-araw, ang mga batang ito ay nahaharap sa mga peligro
ng kapaligiran na siyang sumusubok sa kanilang kakayahang
mabuhay sa gitna ng kahirapan. Hubog ng panahon, pagkakataon
at kapaligiran, ang mga batang ito ay natututong gumamit ng
iba't ibang paraan upang mabuhay. Dito rin nakasalalay ang
kanilang nutrisyon at kalusugan.
Sa isang pag-aaral ng
Surian ng Pananaliksik sa Pagkain at Nutrisyon (Food and Nutrition
Research Institute) ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (Department
of Science and Technology) noong taong 2000, sinuri ang mga
paraan at katangian ng mga batang kalye na maaaring makaimpluwensiya
sa kanilang pangkabuuang kalagayan sa nutrisyon.
Ayon sa pananaliksik
na ito, napag-alamang ilan sa mga bagay na negatibong nakakaapekto
sa kalagayang nutrisyon ng mga batang tulad nila ay ang mga
sumusunod:
· ang mas mahabang
oras na ginugugol sa lansangan upang kumita ng pera;
· ang pamumulot ng basura bilang pangunahing uri ng
pinagkakakitaan;
· ang pagkakaroon ng mas malaking kita kaysa PhP 50.00
sa loob ng isang maghapong pagtatrabaho na maaari nilang gamitin
sa ibang bagay bukod sa pagkain;
· ang paglalaan ng parte ng kanilang kita para sa pagsusugal
na kung saan pumapangalawa lamang ang gastusing pang-pagkain;
at
· ang mababang kalidad ng kanilang mga kinakain.
Dala ng matinding pangangailangan,
ang mga batang kalye ay napag-alamang lumalapit sa mga kamag-anakan,
kaibigan at sa mga tanggapang may ibinibigay na tulong tulad
ng pagkain o pansamantalang tuluyan. Dahil sa kanilang kalagayan
ay mas nakokompromiso sa paglala ng pangkabuuang kahirapan
sa ating bansa na ayon sa estadistiko kung saan 33.7% ng pamilyang
Pilipino ay mahirap, ang masusing pagbibigay ng solusyon sa
problemang ito ay kinakailangan.
Inererekomenda ang pinag-ibayong
suportang pangnutrisyon, pangkalusugan at pangkabuhayan na
dapat ibigay sa mga batang kalye, ayon pa sa mga eksperto.
Ang mga ahensiya ng gobyerno, non-governmental organizations
(NGOs), paaralan, komunidad at pamilya ay nakikitang dapat
nagkakaisa sa pagtulong sa mga batang kalye hanggang sa kalaunan
ay maialis na sila sa lansangan at tuluyan na silang mamuhay
nang malayo sa peligro. Ang pangalagaan ang kapakanan ng mga
kabataan tulad ng pagbibigay ng karampatang pagkakataon upang
sila ay mamuhay nang maayos ay makakatulong din sa kalaunan
sa ating pamayanan at pangkabuuang ekonomiya.
Para sa karagdagang impormasyon
maaaring sumulat o tumawag kay Director Corazon VC. Barba
ng Food and Nutrition Research Institute, DOST Compound, General
Santos Avenue, Bicutan, Taguig, Metro Manila o sa e-mail address
na cvcb@fnri.dost.gov.ph; sa telefax bilang (02)837-2934 o
(02)837-3164. Maaaring bisitahin din ang website ng FNRI sa
http://www.fnri.dost.gov.ph.
S&T Media Release
FNRI Press Release for 2003
|