Paglilinaw Tungkol sa Kolesterol PDF Print E-mail
WP - Jan-Dec 2005
Written by Mildred O. Guirindola, NAMD   

Marahil ay isa ka sa mga taong kulang ang pang-unawa kung ano ba talaga ang kolesterol. Maaaring marinig mo lamang ang salitang kolesterol ay negatibo na kaagad ang iyong pananaw tungkol dito. Ito marahil ay dahil sa iyong mga nababasa at napapanood na ang kolesterol ang dahilan ng iba't-ibang sakit sa puso at mga kasama nitong komplikasyon.

Subalit alam mo ba na hindi dapat katakutan ang kolesterol? Ito ay kailangan ng ating katawan para maipagpatuloy ang mga normal nitong gawain. Kailangan din ito para sa paggawa ng bagong cells at hormones at sa pag-metabolismo ng ating katawan. Ito ay matatagpuan kasama ng taba sa ating dugo at sa lahat ng cells ng katawan.

Ayon kay Dr. Condrado Dayrit, isang doktor na eksperto sa mga karamdaman sa puso at dating pangulo ng Philippine Heart Association, kailangan ang kolesterol dahil ito ay nagsisilbing tagapagtanggol ng katawan laban sa kanser, bilang isang anti-oxidant at free radical scavenger. Ayon pa sa kanya, ang kolesterol ang nagbibigay gng pakiramdam ng pag-ibig dahil naglalabas ito ng hormones na androgen, testosterone, estrogen at progesterone. "Ang kolesterol na mababa pa sa normal na antas ay may di magandang epekto sa ating libido", dagdag pa niya.

Dapat nating maunawaan na ang kolesterol ay hindi lamang nanggagaling sa mga pagkaing galing sa hayop na ating kinakain. Ang ating katawan ay kusang gumagawa nito para sa ating proteksiyon. Ang atay ang pangunahing gumagawa at nagsasaayos ng kolesterol sa ating katawan.

Samantala, ang mga pagkain na galing sa halaman ay walang kolesterol dahil wala silang kakayahan n gumawa nito. Kaya dapat malinaw sa atin na lahat ng pagkain na hindi galing sa hayop, tulad ng prutas, gulay at lamang ugat ay walang kolesterol. Kaya pawang mali ang sinasabi ng mga advertisement ng ilang produkto mula sa halaman na ito ay walang koesterol dahil kahit hindi nila ito sabihin ay sadyang walang kolesterol ang mga pagkaing ito.

Ang kolesterol ay hindi natutunaw sa dugo na dumadaloy sa ating katawan. Ito ay dinadala at nanggagaling sa lahat ng bahagi ng ating katawan sa iba't ibang anyo. Ang dalawang anyo na dapat bigyang pansin ay ang tinatawag na good kolesterol o high density lipoprotein (HDL) at bad kolesterol o low density lipoprotein (LDL).

Ang kolesterol ay tinatawag nga bad kapag ito ay nagdadala ng 2/3 o higit pa ng kabuuang kolesterol sa mga cells at patuloy na nagdadala ng kolesterol sa mga cells. Ito ang nagiging dahilan ng pagtaas ng deposito ng kolesterol sa mga pangunahing daluyan ng dugo sa puso. Dahil dito, nagbabara at sumisikip ang mga ugat. Samantalang ang good kolesterol naman ay may kakayahan na dalhin ang mga sobrang kolesterol mula sa mga cells papuntang atay para ito ay mabreakdown at mailabas sa katawan.

May kasabihan tayo na lahat ng sobra ay makasasama sa atin. At lahat ng ating kinakain ay dapat nasa moderasyon. Ang antas ng kolesterol sa ating katawan ay dapat na nasa 200 mg/dL o mas mababa pa. Ang HDL o good kolesterol naman na 60 mg/dL o higit pa ay mainam sa ating katawan. Kapag ang HDL ay 40 mg/dL o mas mababa pa, ito ay maaaring magresulta sa sakit sa puso. Sa isang banda, ang LDL ay masasabing mataas kapag ito ay nasa 160 mg/dL o mas mataas pa. Ang mataas na LDL ay nagreresulta sa pagbabara ng ugat. Kapag ang ugat sa puso ang nabara, magkakaroon ng atake sa puso, samantalang stroke naman kapag ugat sa utak ang nabarahan.

Kapag ang kabuuang kolesterol sa dugo ay sobrang taas, (240 mg/dL o higit pa), ito ay tinatawag na hypercholesterolemia. Ito ay delikado sa kalusugan. Ang mga taong may diabetes, mataas ang timbang at may mataas na presyon ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng hypercholesterolemia. Mataas din ang tsansa para sa mga taong mataas ang konsumo ng mga pagkaing galing sa hayop tulad ng karne, manok, itlog at gatas, gayundin sa mga taong nagkakaedad na at hindi nag-eehersisyo.

Base sa resulta ng isinasagawang 2003 National Nutrition and Health Survey ng Food and Nutrition Research Institute-Department of Science and Technology (FNRI-DOST), tumaas ang bilang ng mga Filipino na may hypercholesterolemia noong 2003 kumpara noong 1998, mula sa dating 4.0% na naging 8.5%. Samantalang ang porsyento ng mga Filipino na mayroong mataas na bad kolesterol (160 mg/dL o higit pa) ay 11.7% at ang may good kolesterol (40 mg/dL o higit pa) ay 54.2%.

Kung may dahilan para tumaas ang ating kolesterol sa dapat na antas, ay mayroon din namang mga pamamaraan para ito ay maiwasan. Kumain ng balanseng pagkain. Samahan ang karne ng mga pagkaing galing sa halaman tulad ng prutas at gulay. Kumain din ng isda at kung maaari ay tanggalin ang taba ng karne. Mag-ehersisyo ng regular at panatilihing nasa normal ang timbang.

 

Copyright © 2008 FNRI-DOST. All Rights Reserved.
  Updated  November 2014
 
DOST Compound, Bicutan, Taguig City
Tel. Nos. (02) 837-2934/837-3164
Best viewed in Mozilla Firefox browser