- Details
- Hits: 37085
Tinatayang siyam sa bawat sampu o 95.3% ng sambahayang Pilipino ang kumakain ng kanin kada araw.
Ito ay ayon sa 2018-2019 Expanded National Nutrition Survey (ENNS) ng DOST-FNRI.
Lumabas sa nasabing survey na apat na tasang lutong kanin ang nakakain ng isang miyembro ng sambahayan kada araw.
Dagdag pa rito, nanatiling kanin, isda, at gulay ang karaniwang diet ng mga Pilipino.
Ayon sa National Nutrition Council (NNC), ang kanin ay nagbibigay ng kalahati ng calories na kailangan ng katawan at itinuturing na staple food o pangunahing pagkain ng bansa.
Sa kabila ng pagkakaroon ng iba pang pagkaing mayaman sa carbohydrates o carbs kagaya ng mais at mga root crops kagaya ng patatas, kamote, ube at gabi – bigas pa rin ang pangunahing pinagkukunan ng carbohydrates ng mga Pilipino.
Ang mga pagkaing mayaman sa carbohydrates o Go Foods ang nagbibigay ng lakas o energy sa katawan para sa mga gawain.
Ayon pa sa resulta ng 2018-2019 ENNS, tinatayang ₱253.64 ang nagagastos ng isang karaniwang sambahayan para sa pagkain kada araw at humigit-kumulang ₱50.00 ng kanilang budget ay nakalaan para sa bigas.
Gayunpaman, dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas at produksyon nito, nagbigay ng paalala ang DOST-FNRI sa posibleng epekto nito sa budget at nakasanayang diet ng mga Pilipino.
Ayon sa DOST-FNRI, bukod sa bigas, maaring subukan ng sambahayan ang iba pang pagkain na mayaman sa carbohydrates.
Ang whole grain foods, katulad ng mais, brown rice, oatmeal, at cereals, ay mayaman sa carbs at tumutulong upang mapapababa ang kolesterol at posibilidad na pagkakaroon ng sakit sa puso at diabetes.
Bukod dito, ang mga root crops na madalas nating makita sa nilaga at sinigang, katulad ng patatas, kamote, ube, at gabi ay nagbibigay din ng carbs na kailangan ng katawan.
Gayunpaman, nagbabala ang DOST-FNRI na maaring magdulot ng iba’t ibang karamdaman katulad ng diabetes, poor metabolism, at pagtaas ng posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa puso ang sobrang carbohydrates sa katawan.
Nagbigay din ng paalala ang Institusyon na iwasan o bawasan ang pagkain ng mga refined-carbohydrates katulad ng potato chips at iba pang mga chirchiya, pagkain at inumin na may refined sugar katulad ng cakes, doughnuts, at soft drinks, at mga processed foods katulad ng french fries at pizza.
Dahil dito, hinihikayat ng DOST-FNRI ang lahat na bisitahin at tingnan ang website nito upang makita ang iba’t ibang Menu Guide Calendars (https://www. fnri.dost.gov.ph/index.php/tools-and-standard/fnri-menu-guide-calendar) para sa masustansya at murang food recipes.
Dagdag pa rito, hinihikayat din ng Institusyon na bisitahin ang Pinggang Pinoy page para sa masustansya at balanseng pagkain.
Ang Pinggang Pinoy ay nagpapakita ng tamang dami ng Go, Grow, at Glow foods na dapat kainin ng isang tao sa isang kainan upang makuha ang sapat na nutrisyon na kailangan ng katawan.
Makikita rin sa Pinggang Pinoy ang iba’t ibang Go foods na mayaman sa carbs katulad ng tinapay, noodles, at mga root crops.